GOOD NEWS | Pamimigay ng Social Pension para sa mga Indigent Senior Citizens ng Malasiqui, Pangasinan dinagsa!

*Malasiqui, Pangasinan* – Libu-libong mga senior citizens ang dumagsa sa Arenas Civic Center upang makatanggap ng buwanang pension na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang tulong.
Sa pangunguna ni Mayor Noel Anthony M. Geslani alkalde ng bayan, Ma’am Amelia Tablada ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Ma’am Esperanza Head ng Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) buong puso nilang tinanggap at sinalubong ang lahat ng mga rehistradong Social Pensioner ng bayan.
Noong 2011, matatandaang inilunsad ng pambansang pamahalaan ang proyektong *Social Pension: Tulong kay Lolo at Lola, Mula sa Gobyernong Mapagkalinga*. Sa proyektong ito, maaaring tumanggap ng buwanang pensyon sa halagang P500 ang mga indigent senior citizen upang tugunan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. Maaari itong matanggap quarterly o kada tatlong buwan sa halagang P1,500.
Ang distribusyun ng Social Pension para sa mga nanay at tatay natin ay inumpisahan kahapon ng Mayo 9, 2018 at matatapos ito sa Mayo 11, 2018. Tatlong araw ang itinagal ng programang ito dahil na rin sa bilang ng mga rehistradong benepisyaryo. 3, 453 lang naman ang senior citizens na maaaring tumanggap ng naturang tulong. Ibinigay na sa mga benepisyaryo ang first at second quarter nilang pension at babalik ulit pagkatapos ng anim na buwan.
Masuwerte at nagpapasalamat daw si tatay Rogelio Mangandi, 70-anyos na, dahil may maibibili na raw siya ng gamot at hindi na niya kailangang humingi ng pera sa mga anak, buti nalang daw at may ganitong proyekto ang gobyerno.
Sa ibang dako naman, pinangaralan ang bayan ng Malasiqu, Pangasinan dahil sa maayos na operasyon at tamang pamamalakad ng mga miyembro ng Social Workers para sa mga lola at lolong nangangailangan ng tulong. Pangalawa lang naman ang bayan ng Malasiqui sa 45 na bayan ng Pangasinan na napangaralan ng DSWD.
Ulat ni Jhon Michael Caranto

Facebook Comments