Manila, Philippines – Inaasahang bababa ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Oktubre.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, kahit humina ang piso at nagmahal ang petrolyo, walang dagdag-singil sa October bill dahil sa maayos na suplay ng kuryente mula sa mga planta.
Magugunitang noong Setyembre ay nagkaroon din ng tapyas sa singil sa kuryente dahil sa pagmura umano ng bentahan ng kuryente sa spot market.
Pero kung posibleng bumaba ang singil sa kuryente ngayong buwan nakatakda namang tumaas ang singil sa tubig dahil sa mga inaprubahang rate adjustment ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Nasa P0.90 kada cubic meter ang dagdag-singil na ipapataw ng Maynilad simula Oktubre 1 habang P1.46 kada cubic meter naman sa Manila Water simula Oktubre 16.