Gov. Faustino “Bojie” Dy III, Malaki ang Pasasalamat sa mga Nasa Likod ng Pagpapatayo ng SSS Regional Office sa Kapitolyo ng Isabela!

City of Ilagan, Isabela – Malaki ang pasasalamat ni Governor Faustino “Bojie’ Dy III sa lahat ng nasa likod ng pagpapatayo ng SSS Regional Office sa kapitolyo ng Isabela.

Aniya, unang ipinarating sa kanya ni DOLE Secretary Bebot Bello III ang planong pagpapatayo ng gusali para sa Social Security System Regional Office sa lalawigan ng Isabela upang mapadali at mapalapit ang pagpunta ng mga tao mula sa Quirino at sa karatig na probinsya dahil sa ang Isabela umano ang sentro ng rehiyon dos.

Ipinagmalaki ng gobernador ang may apat na libong square meters na lupa para sa pagpapatayuan ng gusali ng SSS kung saan ito ay nasa loob ng kapitolyo at nasa tabi ng Hall of Justice sa City of Ilagan.


Inihayag din ni Governor Dy III na ang Isabela ang kauna-unahang probinsya sa bansa na nagpasok ng marginalized farmers kung saan ito ay may 9,400 na miyembro sa SSS.

Idinagdag pa ni Gov. “Bojie” Dy na naumpisahan naring kausapin ang mga Liga ng Mga Barangay upang maipasok sa SSS ang mga opisyal ng barangay, barangay tanod, health workers at daycare workers.

Ang hakbang na ito umano ay bilang bahagi sa patuloy na pagsuporta ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa tanggapan ng SSS.

Facebook Comments