Manila, Philippines – Ipagpapatuloy ngayong umaga ang pagdinig ng House Committee on Good Government kaugnay sa 66.45 Million na halaga ng mga sasakyan na binili ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte gamit ang tobacco excise tax funds.
Posibleng humarap din ngayon sa pagdinig si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos para sa iba pang paglilinaw tungkol sa mga biniling sasakyan ng lokal na pamahalaan.
Gigisahin ng mga kongresista ang supplier naman ng sasakyan sa Ilocos Norte ang granstar motors and industrial corporation.
Palaisipan pa kina House Majority Leader Rodolfo Fariñas kung bakit ito ang napili ng pamahalaan ng Ilocos Norte na mag supply dito ng maraming sasakyan.
Ang negosyo umano ng Granstar ay importasyon, assembly, distribusyon at retailing ng mga motorsiklo galing ng China at India.
Ang Granstar ang nabigyan ng kontrata para mag supply ng 40 mini cabs at 70 mini trucks sa ilocos norte na kinuha sa pamamagitan ng direct contracting.
Nagtataka si Fariñas dahil naibigay dito ang kontrata gayong 4 na mini cabs lamang ang mayroon ito nang makuha ang deal at inabot pa ng 4 na buwan para makumpleto ang delivery ng 40 mini cab.
Duda ni Fariñas, na nagamit lamang ang Granstar sa importasyon ng mini cabs.