Gov. Mamba, Hihilingan sa DA na itigil ang Land Conversion sa mga Kabundukan

Cauayan City, Isabela- Ibinida ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang iba’t ibang programa ng probinsya ngayong taon na siyang tutugon sa naranasang pagbaha matapos ang ginawang Inter-Agency Committee Meeting kahapon, Enero 12.

Pangunahin ng tututukan ang programang pagsasaayos sa Cagayan river bilang bahagi ng rehabilitasyon ng nasabing ilog.

Ayon kay Mamba, kinakailangan muna ng massive reforestation sa lalawigan subalit nakitaan nito ang problema sa suplay ng seedlings sa probinsya.


Isang paraan aniya ang pagsasagawa ng seedling production simula ngayong buwan ng Enero upang mapunan ang kakailanganing seedlings sa programang reforestation.

Sa kabila nito, mas paiigtingin din ni Mamba ang kampanya laban sa illegal logging at kanyang pinatitiyak na magtutuloy-tuloy ang gagawing panghuhuli sa mga nagsasagawa ng iligal na pamumutol ng kahoy.

Makikipag-ugnayan naman ang probinsya sa Department of Agriculture na itigil na ang nangyayaring land conversion sa mga kabundukan na ginagawang taniman ng mais.

Isa itong dahilan kung kaya’t nakakaranas ng pagguho ng lupa sa mga kabundukan.

Samantala, magsasagawa naman ng imbentaryo ang Provincial Government katuwang ang National Housing Authority (NHA) sa mga kabahayan na nasa gilid ng Cagayan river at mga tributaryo nito upang mailipat ang mga residente sa mas ligtas na lugar.

Inatasan din ni Mamba ang mga LGUs na maghanap at bumili ng mga relocation site at gamitin ang pondo mula sa ‘No Barangay/No Town Left Behind’ program.

Facebook Comments