Nananawagan si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na magkaroon ng matibay at malawak na pagtutulungan ang gobyerno at agriculture stakeholders para labanan at supilin ang mga nasa likod ng talamak na ilegal na pagpasok ng iba’t ibang agricultural products.
Pahayag ito ni Lee kasunod ng pagpapakita ng alok na tulong ng iba’t ibang pribadong grupo sa sektor ng lokal na agrikultura para wakasan na karumal-dumal na agri-smuggling sa bansa na siya ring sanhi ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Diin ni Lee, ang paglahok o pakikiisa ng iba’t ibang samahan ng magsasaka, mangingisda at iba pa sa paglaban sa agri-smuggling ang mas epektibong paraan na sana ay mabigyan ng kaukulang pansin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Pinuri din ni Lee ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na aktibong nakikipagtulungan sa counter-intelligence team ng Department of Agriculture para mabantayan ang mga entry port sa bansa tulad sa Manila at Subic ports.
Nauna rito ay umapela rin si Lee kay Pangulong Marcos na palakasin ang Inspectorate and Enforcement Division ng DA na kasalukuyang pinamumunuan ni Asst. Sec. James Layug.