Manila, Philippines – Kinalampag na ng Minorya sa Kamara ang Pangulong Duterte na magkaroon ng government revamp sa mga ahensya ng pamahalaan.
Giit ni House Minority Leader Danilo Suarez, isang taon na ang nakalipas pero nahihirapan ang Pangulong Duterte na tuparin ang mga pangako ng reporma noong eleksyon dahil sa ilang mga miyembro ng Gabinete na hindi masyadong nagpe-perform o hindi kaya ay nahaharap sa mga malalaking isyu.
Ilan aniya sa mga ito ay sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na nahaharap sa isyu ng pagpapalusot ng 6.4 Billion na iligal na droga; Health Sec. Paulyn Ubial na nababatikos dahil sa inconsistent position nito sa major health issues; Agriculture Sec. Rafael Mariano na nahaharap sa graft at administrative charges dahil sa pagpayag nito na i-occupy ang property Lapanday Foods Corp sa Tagum, Davao del Norte; at LTFRB Chairman Martin Delgra na inuulan ng kritisismo ngayon dahil sa pagsuspinde sa TNVs.
Sinabi pa ni Suarez na mukhang sumasakay na lamang sa popularidad ng Pangulo ang ilang mga cabinet members.
Inihalimbawa pa ni Suarez ang pagtama ng bagyong Glenda sa kanilang lalawigan noong nakaraang taon kung saan ang mga nawalan ng bubong ay wala pa ring maayos na bubong o tirahan hanggang ngayon.