Governor Imee Marcos, inirekomenda ng Kamara na kasuhan ng plunder

Manila, Philippines – Pinakakasuhan ng House Committee on Good Government si Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

Ayon kay Committee Chairman Johnny Pimentel, hindi pa naman sarado ang imbestigasyon ng kanyang komite sa iligal na paggamit ng 66.4 Million na tobacco excise tax fund pero kinakitaan na ngayon pa lang ng maraming paglabag si Governor Marcos.

Kasong plunder ang irerekomenda na isampang kaso kay Governor Marcos, dahil sa pagbili ng mahigit isang daang sasakyan gamit ang excise tax fund ng lokal na pamahalaan.


Ilan sa mga natukoy na nilabag ni Governor Imee ang Republic Act 7171, Republic Act 9184 at COA Memorandum 97-002.

Ipinaliwanag ni Pimentel na ang paggamit ng pondo mula sa tobacco excise tax ay dapat na limitado lamang sa cooperative development at imprastruktura para sa industriya lamang ng tabako pero hindi kasama ang pagbili ng mga sasakyan.

Hindi rin idinaan sa bidding ang pagbili ng mga sasakyan at lumabas pa na overpriced ng 195,000 pesos ang bawat isa sa mga sasakyang binili ng Ilocos Norte sa Granstar Corporation.

Tiniyak ni Pimentel na hindi makakaligtas sa pananagutan si Governor Marcos dahil pirmado nito ang mga dokumento sa transaksiyon.

Facebook Comments