Manila, Philippines – Sinubpoena ng Liderato ng Kamara si Ilocos Norte Governor Imee Marcos para dumalo sa pagdinig ng komite ng Kamara kaugnay sa ilang nasilip na kwestiyunableng transaksyon ng Sangguninang Panlalawigan.
Kabilang dito ang pagbili ng mga segunda manong sasakyan ng pamahalaan ng Ilocos Norte, gamit ang milyung-milyong pisong excise tax funds mula sa sigarilyo.
Maliban kay Marcos, sinubpoena rin para sa susunod na pagdinig ang mismong supplier ng mga sasakyan, nasa anim na empleyado ng Sangguniang Panlalawigan at Bid and Awards Committee, opisyal ng Commission on Audit o COA na si Michael Aguinaldo, at ilang mahahalagang dokumento gaya ng cheke at ang resolusyong inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay base sa House Resolution 882, na inihain ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
Tanong nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Fariñas, paano nakalusot ang pagbili ng aabot sa mahigit 66 million na mga multicabs at trucks gayong wala itong public bidding.
Pero tugon ng mga resource person, wala silang alam sa transaksyon.
Hindi dumalo si Governor Marcos sa hearing sa kabila ng naimbitahan ito.
Si Marcos ang itinuturong pumirma sa mga dokumento para sa pagri-release ng mga sasakyan.
DZXL558