Cauayan City, Isabela- Iminumungkahi ni Governor Manuel N. Mamba sa City Government of Tuguegarao na muling isailalim sa total lockdown ang lungsod dahil sa mataas na antas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 bunsod ng patuloy na nararanasang local transmission.
Ito ay upang makontrol ang galaw ng mga tao lalo na sa mga lumalabas at pumapasok sa siyudad.
Kaugnay nito, mariing inatasan ng Gobernador ang City Government of Tuguegarao na aralin na sa madaling panahon ang kasalukuyang quarantine classification ng siyudad upang mailatag na ang mga konkretong hakbang upang mapababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa virus, gayun na rin upang hindi na lumala pa ang nagaganap na local transmission ng Covid-19.
Nangangamba rin ang Gobernador sa posibilidad na maapektuhan ang mga karatig na bayan gaya ng Solana, Peñablanca, Iguig at Enrile sa oras na hindi mapababa ang bilang ng mga kaso ng virus sa Tuguegarao.
Dahil dito, inatasan na rin ng ama ng Cagayan si Dr. James Guzman, ang Tuguerao City Health Officer na itigil na ang pagsasailalim sa home quarantine ng mga asymptomatic na pasyente ng Covid-19 sa lungsod.
Nakikita kasi ng Gobernador na ito ang dahilan ng patuloy na paglobo ng mga kaso ng virus sa siyudad kung saan ay magkakapamilya ang tinatamaan ng virus.
Isinuhestiyon nito na ilagay sa mga quarantine facilities ang lahat ng mga asymptomatic na pasyente upang sila ay matutukan at mabantayan nang maayos.
Sa ngayon ay nakasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Lungsod ng Tuguegarao kung saan mayroong kasalukuyang 73 na aktibong kaso ng COVID-19.