Manila, Philippines – Pinatawan ng 6.5-milyong pisong multa ng Philippine Competition Commission (PCC) ang pamunuan ng Grab Philippines dahil sa paglabag sa panuntunan kasabay ng pagbili nito sa prangkisa ng Uber noong 2017.
Ayon kay PCC Chairman Arsenio Balisacan – hindi tama ang mga dokumentong isinumite ng Grab alinsunod sa monitoring ng compliance nito.
Aniya, mahalaga ang papel ng nasabing mga dokumento para ma-monitor ng PCC kung ipinatutupad ba ng Grab ang ipinangako nitong presyo ng pamasahe.
Matatandaang nangako ang Grab na hindi magpapataw ng surcharge sa kanilang mga ruta kasunod ng pag-apruba ng PCC sa kanilang kasunduan ng Uber.
Pero sa halip na datos hinggil sa pricing – mula August 10 hanggang November 10, 2018 – mga dokumento tungkol sa human intervention ang isinumite ng Grab.
Sa press briefing, sinabi ni PCC Commissioner Amabelle Asuncion na may 45 araw ang Grab para magbayad ng multa, at 15 araw para maghain ng motion for reconsideration.
Kasabay nito, inobliga rin ng PCC ang Grab na isumite ang nawawalang datos sa loob ng limang araw.