Grab, pinakakasuhan dahil sa pamimili ng pasahero at sobrang taas ng singil sa pamasahe

Manila, Philippines – Hiniling ni PBA PL Rep. Jericho Nograles sa LTFRB na kasuhan at parusahan ang Transport Network Company na Grab.

Ito ay kasunod ng pagdagsa ng mga reklamo sa Grab dahil sa panay pagkansela ng booking ng mga pasahero at napakataas na singil sa pasahe.

Tinawag ni Nograles na ‘high tech’ ang pagiging isnabero ng mga GRAB drivers dahil kina-cancel lang nang kina-cancel ang booking ng pasahero.


Bukod sa madalas ang pagkansela, simula ng isuspinde ng LTFRB ang Uber ay sobra-sobra na ang taas ng singil sa pasahe ng Grab.

Giit ng kongresista, personal niyang naranasan na ilang ulit na kinansela ng Grab driver at nang siya naman ang nag-cancel ay nasingil pa siya ng 318 pesos.

Sinabi ni Nograles na kung matapang ang LTFRB sa mga ordinaryong taxi na namimili ng pasahero o sobra maningil, hindi nito dapat paligtasin ang Grab sa ganito ding pag-abuso.

Facebook Comments