Cauayan City, Isabela – Emosyonal na ipinahayag ni dating Isabela Governor at COMELEC Commissioner Grace Padaca ang pag-atras ni Congressman Napoleon “Pol” Dy sa pagka-gobernador ng Isabela sa darating na 2019 midterm elections.
Gayunpaman ay desidido parin si Padaca na ipaglaban ang kaniyang kandidatura sa pagka-bise Gobernador ng Isabela kahit na aniya’y walang kasiguraduhan.
Ayon pa kay Padaca, isa sa dahilan kung bakit naki-tandem siya kay Pol Dy ay dahil sa nakita naman umano niya na desidido ang kongresista na isampa ang umano’y kasong korapsyon laban sa kaniyang kapatid na si incumbent Governor Faustino “Bojie” Dy III.
Subalit nagbago ang desisyon ni Pol Dy dahil tinalikuran nito ang kanyang sinabi kaya’t binawi na lamang ang kandidatura kahapon.
Iginiit pa ni Grace Padaca na sa mga nakaupo at tatakbong mga pamilya ng Dy sa darating na eleksyon ay isang manipestasyon umano na marami ang Dy sa buong probinsya ng Isabela.
Ngunit malakas ang paninindigan ni dating COMELEC Commissioner Grace Padaca na kaya niya ang lahat at itutuloy parin ang laban sa pagka-bise Gobernador ng lalawigan ng Isabela.
Sa ngayon ay natitira na lamang sa posisyong gobernador ng Isabela si 1st. District Congressman Rodito Albano.