Humihirit si Bayan Muna Representative Carlos Zarate sa Meralco na palawigin pa ang “no disconnection period” ng anim na buwan.
Ayon kay Zarate, bagama’t welcome ang hakbang ng Meralco na i-extend ang “no disconnection period” hanggang January 31, 2021, hihimukin pa rin nila ang kumpanya na palawigin pa ang panahon para mabayaran ang mga unsettled bills ng electric consumers.
Hiling ng kongresista na bigyan pa ng hanggang anim na buwan na palugit ang electricity consumers nang sa gayon ay nasa maayos na lagay ang mga ito para makumpleto ang bayarin sa kuryente lalo na sa mga kababayang nawalan ng trabaho at hirap na matustusan ang pamilya sa pang-araw-araw.
Matatandaang iba’t ibang grupo ang nanawagan sa Meralco kung saan pati si Speaker Lord Allan Velasco ay sumulat na kay Meralco President Ray Espinosa para hilingin ang palawigin ang no-disconnection period sa mga apektadong consumers.
Samantala, sa kabila ng nasabing development ay umaasa naman si Zarate na maipagpapatuloy pa rin ng Kamara ang imbestigasyon kaugnay naman sa napaulat na overcharging ng Meralco sa mga consumers ngayong may pandemic.