Grade 11 at Grade 12 na Studyante, Natimbog sa Drug Buy Bust Operation!

*Ilagan City, Isabela- *Natimbog ang dalawang menor de edad na kinabibilangan ng isang grade 11 at grade 12 na studyante matapos kumagat sa ikinasang Drug Buy Bust Operation ng PNP Ilagan dakong alas kwatro ngayong hapon, Hulyo 23, 2018 sa Brgy. Centro Poblacion, City of Ilagan, Isabela.

Batay sa nakuhang kaalaman ng RMN Cauayan, nadakip ang dalawang studyanteng menor de edad na pawang mga residente ng Brgy. Calamagui 1st sa nasabing Lungsod matapos bentahan ng isang Marijuana na inilagay sa isang folded paper ang isang police poseur buyer sa halagang limang daang piso.

Habang isinailalim sa body search ang dalawang suspek ay narekober mula sa kanilang pag-iingat ang dalawang folded paper na naglalaman ng mga tuyong talbos ng Marijuana na inilagay sa isang pitaka, isang improvised paper pipe, dalawang unit ng cellphones at limang daang pisong marked money.


Nasa kustodiya na ng PNP Ilagan ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong Paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at nakatakdang ipasakamay sa CSWD.

Facebook Comments