Grade 2 Pupil, Patay Matapos Mabangga ng Jeep!

385

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang 8 anyos na bata matapos mabangga ng pampasaherong jeep habang naglalakad sa pambansang lansangan kahapon sa Brgy. Batu, Rizal, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Reyvilyn Juan, grade 2 pupil, at residente ng Brgy. Batu, Rizal, Cagayan habang ang suspek at drayber ng jeep na may plakang BVD305 ay si Meynard Culili, 32 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Duyun, Rizal, Cagayan.


Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, bumabaybay sa lansangan patungong Brgy. Duyun ang jeep sakay ang 7 pasahero at nang makarating sa paakyat at palikong bahagi ng daan ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang drayber matapos na magkaaberya ang preno nito kaya’t nasalpok ang biktima na naglalakad sa gilid ng daan.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima at nadala pa sa pagamutan subalit idineklara itong dead on arrival (DOA).

Nasa kustodiya ngayon ng Rizal Police Station ang suspek maging ang pampasaherong jeep para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments