Sa kagustuhang magpatuloy sa pag-aaral at makatulong sa pamilya, sa murang edad ay natutong dumiskarte ang isang estudyanteng hinahangaan ngayon sa social media.
Araw-araw naglalako ng daing at tinapa ang batang si Lance Abarquez sa Pateros mula sa kanilang bahay sa Gawad Kalinga, Santa Ana.
Dahil bumilib sa determinasyon nito, ibinahagi ng netizen na si Jewel Rashia ang kuwento ni Lance.
Kumakain sa isang fast food chain sa Pateros si Rashia kasama ang kanyang nanay nang makita nilang nagtitinda si Lance, Setyembre 14.
“Anak, tignan mo ‘yung bata oh, nagtitinda ng tinapa tapos kayo puro hingi lang ng pera,” sabi ng nanay ng uploader nang mapansin ang bata mula sa itaas.
Maya-maya pa ay umakyat si Lance at lumapit kina Rashia na namangha sa galing nitong mag-alok ng kanyang paninda.
“Kala mo nasa commercial, eh,” ani Rashia.
Habang pumipili ng bibilhin, kinilala ng nanay ng uploader ang bata.
Napag-alaman nilang pumanaw na pala ang ina ni Lance, habang may sakit naman ang kanyang ama.
Sa ngayon ay nasa ika-anim na baitang na siya sa elementarya at tinutulungan ng kanyang tita sa mga gastusin sa eskwelahan.
Kahit na mayroong kamag-anak na sumusuporta, desidido si Lance na magtinda para sa pambili ng gamot ng kanyang tatay at pambaon sa eskwela.
Umani naman ng papuri at paghanga ang kuwento ng pagpupursigi ni Lance.
Dahil dito, nakapag-iwan din ng paalala ang uploader na si Rashia.
“Kaya sa ibang kabataan d’yan, maging aral sana ‘to sa inyo–na hindi madali ang buhay, hindi madaling kumita ng pera, kaya ‘wag lang kayo puro ‘Ma/Pa penge pera'” aniya.
Sa ngayon ay mayroon nang 41,000 shares ang post na ito.