Grade 8 Student, Patay nang Tangkang Tulungan ang 2 Nalulunod na Klasmeyt!

*Cauayan City, Isabela- *Tuluyang nalunod at binawian ng buhay ang isang grade 8 student matapos tangkaing tulungan ang dalawang (2) nalulunod na kaklase sa Pinacanauan River sa Barangay Larion Alto, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Adriano Pacis Jr., 14 taong gulang, at residente ng Gosi Norte, Tuguegarao City, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 12:00 ng tanghali, Marso 10, 2020, nagtungo sa ilog ang biktima kasama ang mga kaklase upang mag-picnic.


Makalipas ang ilang sandali, naligo sa ilog ang isa sa mga kamag-aral na nagngangalang Nicole Limpin hanggang sa tinangay ito ng agos ng tubig.

Dahil dito, sinubukan siyang tulungan ng kaklase na si Sherwin sa pamamagitan ng isang β€˜kawayan’ subalit nahulog rin ito sa ilog nang siya’y mahila ni Nicole.

Agad namang lumangoy sa ilog ang biktima upang i-rescue ang dalawang kaklase subalit tinangay pa rin sila ng malakas na agos ng tubig hanggang sa nagkahiwa-hiwalay na ang tatlo at napunta sa malalim na bahagi ng ilog.

Humingi ng tulong sa mga mangingisda ang iba pa nilang kamag-aral kaya’t agad na na-rescue sina Nicole at Sherwin.

Sa patuloy na paghahanap ng mga mangingisda sa lugar ay narekober ang katawan ni Pacis bandang alas 3:00 na ng hapon.

Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival (DOA).

Facebook Comments