*Cauayan City, Isabela*- Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling ang dalawampu’t limang (25) suspek matapos mahuli ng pulisya na aktong tumataya sa tupada sa Brgy. Basi West, Solana, Cagayan.
Positibo namang kinilala ni P/Capt. Jhun-Jhun Balisi, Hepe ng PNP Solana ang promotor sa iligal na sabungan na si Ramir Accad, 39 anyos, pawang walang permanenteng trabaho.
Kabilang din ang isang Barangay Kagawad na di pa mabatid ang pagkakilanlan na kasama na tumataya subalit nakatakas bago pa man isagawa ang operasyon.
Ang mga nahuli ay pawang mga residente sa Barangay Basi West, Basi East, Natappian West at Natappian East kabilang ang isang 15 anyos na menor de edad na isang Grade 9 Student.
Ayon pa kay Balisi, tinatayang nasa 50 katao ang sangkot sa iligal na sabungan ngunit 25 ang nadakip habang ang iba ay nakatakas.
Narekober sa mga suspek ang apat na panabong na manok, pusta na humigit kumulang sa P2,000.00 piso, mga tari at walong (8) unit ng motorsiklo.
Nagbabala naman si Balisi sa publiko na tigilan na ang iligal na uri ng sugal upang hindi matulad sa nangyari sa mga suspek.