Graduation ceremony ng mga magsisipagtapos na grade 6 students ngayong taon, tuloy – DepEd

190

Manila, Philippines – Tuloy ang graduation ceremony para sa mga magsisipagtapos ng grade 6 ngayong school year 2018-2019.

Sa inilabas na DepEd memoramdun number 025, nilinaw ni Education Sec. Leonor Briones na bibigyan ng diploma ang mga “completers” sa grade 6.

Ito ay bilang pagtutuwid sa naunang memorandum order ng kagawaran na nagsabing “Moving Up” ceremony lang ang igagawad sa mga magtatapos ng elementarya.

Ayon kay Briones – under discussion pa sa hanay ng executive committee ang nasabing panukala dahil sa implementasyon ng K to 12 program.

Nakasaad din sa nasabing memo na ang mga nagtapos ng kindergarten ay bibigyan ng kindergarten certificate kasabay ng moving-up ceremony.

Ang mga nagtapos ng grade 10 ay pagkakalooban ng junior high school certificate sa kanilang moving-up ceremony samantalang ang mga nakakumpleto ng requirements at pumasa sa grade 12 ay bibigyan ng diploma bilang “Senior High School” completers kasabay ng graduation ceremony.

Dagdag pa ng Kalihim – ang school year 2018-2019 ay dapat magtapos nang hindi maaga sa April 1 at hindi rin dapat lampas sa April 5.

Nagpaalala rin ng DepEd na hindi dapat singilin ang mga mag-aaral ng gastusin sa moving-up at graduation ceremonies.

Ipinagbabawal din ang pagsasagawa ng junior-senior promenade, field trips at film showing bilang alternatibong paraan para makapasa ang isang mag-aaral sa kanyang asignatura.

Facebook Comments