Cauayan City, Isabela- Balot sa kasiyahan ang Bureau of Jail Management and Penology o BJMP Cauayan matapos isagawa kaninang umaga ang pagtatapos sa Elementarya at Junior High School ng ilang mga bilanggo na sumailalim sa Alternative Learning System o ALS ng DepED Cauayan City.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa mga ilang inmates na nagtapos kaninang umaga, ibinahagi ng mga ito ang kanilang lubos na kasiyahan dahil sa kahit sila ay nakapiit ay nagawa pa rin nilang makapagtapos sa pag-aaral sa mababang antas ng paaralan.
Batay sa salaysay ng isa sa mga nagtapos sa Elementarya, sumailalim ito sa programang ALS dahil sa kagustuhan nitong makapag-aral matapos itong makulong dahil sa droga.
Dagdag pa nito, mahirap at malungkot ang kanilang kalagayan sa loob ng bilangguan kaya’t naisipan nitong sumailalim sa naturang programa upang maibsan ang kanyang kalungkutan.
Sa elementarya ay mayroong tatlong inmates ang nagtapos, walong inmates naman sa Junior High School level habang nasa 35 inmates naman ang nagtapos sa Bread and Pastry at nasa 21 bilanggo naman sa Bread Craft.
Layunin umano ng naturang programa na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga ito upang makatulong sa kanilang paghahanap buhay kung sila ay nakalabas na sa kulungan.
Samantala, naging panauhin sa naturang pagtatapos sina Mayor Bernard Faustino Dy at ilang matatas na opisytal ng DepEd Cauayan upang saksihan ang makabluhang pagtatapos ng ilang piling bilanggo.