Manila, Philippines – Dismayadong-dismayado ang ilang kongresista sa pagpayag ng Sandiganbayan na makapagpyansa ang dating unang ginang at Ilocos Norte Representative Imelda Marcos sa pitong bilang ng kasong graft na kinakaharap nito sa Sandiganbayan.
Ayon kay Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao, double-standard ang ipinapakita ng korte dahil sa hindi agad na pagpapaaresto kay ginang Marcos at sa pagpayag na makapaglagak ito ng pyansa.
Sinabi din ng kongresista na sobrang kahiya-hiya sa buong mundo ang ginagawa ng Sandiganbayan na pagyukod pa rin sa mga Marcos.
Para naman kay Akbayan Representative Tom Villarin, bagaman at desisyon ng korte ang pagpayag na makapaglagak ng pyansa si Marcos sa ilalim na rin ng Rules of Court, hindi dapat ito maliitin at balewalain ang kaso dahil sa isyu ng katandaan at lagay ng kalusugan nito.
Giit ng mambabatas, ang idinadaing ni Ginang Marcos na pinagbabawalan siya ng mga doctor na ma-stress dahil sa kanyang mga sakit ay kabaligtaran ng ipinapakita at ginagawa ng dating first lady.
Sa katunayan aniya, kung bawal palang ma-stress si Ginang Marcos ay bakit pa itong pinayagan na pumasok sa stressful na pulitika at hinayaang kumandidato na gobernador ng Ilocos.
Dagdag ng mambabatas, dapat ay hinayaan na lamang na makulong si ginang Marcos at ipinaubaya sa kapalaran nito ang magdesisyon sa kanyang hinaharap.