Inihayag ngayon ni Secretary Carlito Galvez Jr., Chief Implementer ng National Task Force Against COVID-19, na magpapatupad sila ng “granular lockdown” sa high risk areas bilang tugon sa naging payo ng OCTA Research team.
Ayon kay Galvez, magpapatupad ang pamahalaan ng “stricter quarantine classification” sa 11 lugar sa bansa kabilang na ang kinokonsiderang mga high-risk area.
Sinabi ni Galvez na hindi kakayanin kung muling ipapatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa high risk areas dahil base sa ginawang pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA), malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya.
Dagdag pa ng kalihim, sa ilalim ng granular lockdown ay magkakaroon ng surveillance kung saan hahanapin o tututkuyin ang mga kaso ng COVID-19 kabilang na rin ang mga naka-close contacts ng isang indibidwal na nahawaan ng virus.
Ayon naman sa OCTA Research Team, ang mga sumusunod na high-risk areas dahil sa COVID-19 na kinakailangan ilagay sa ilalim ng stricter quarantine ay ang:
- Benguet (kabilang na ang Baguio City)
- Davao Del Sur (kabilang na ang Davao City)
- Iloilo (kabilang na ang Iloilo City)
- Misamis Oriental (kabilang na ang Cagayan de Oro)
- Nueva Ecija
- Quezon
- Pangasinan (kabilang na ang Dagupan)
- Western Samar
- Zamboanga Del Sur (kabilang na ang Zamboanga City)
Bagama’t kinokonsidera bilang low-risk dahil sa COVID-19, inirekomenda rin ng mga eksperto na ang Cagayan at Isabela ay isailalim sa stricter quarantine classifications dahil sa limitadong healthcare capacity nito.