Tututukan ng bagong pamunuan ng Philippine Sports Commission o PSC ang pagpapalawak ng grassroots program sa bawat sulok ng bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PSC chairman Noli Eala na kumokonsulta na sila sa iba’t ibang stakeholders para pag-aralan kung papano palalakasin pa ang pagsali ng mga kabataan sa sports programs.
Ayon kay Eala, kasama sa kanilang inilalatag ay ang planong buhayin muli ang National Sports and Development Promotions Council (NSDPC) kung saan tutulong ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), at National Sports Associations (NSA).
Magsisilbi aniyang backbone ang nasabing konseho ng isang malawak na grassroots participation ng mga kabataan sa larangan ng palakasan, alinsunod na rin sa mandato ng Philippine Constitution.
Pangunahing utos aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa PSC ay iprayoridad ang kapakanan at kahusayan ng mga atletang Pinoy.
Naniniwala ang pangulo na napakalaki ng ginagampanang papel ng mga atleta hindi lamang sa larangan ng palakasan kundi sila ang nagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.