GRENADE ATTACK | DFA pinayuhan ang mga Pinoy sa Ethiopia na manatili muna sa kanilang mga tahanan

Ethiopia – Umaapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino na nagtatrabaho at nakatira sa Ethiopia na umiwas muna sa mga matataong lugar.

Ito ay matapos ang nangyaring pagsabog sa Addis Ababa, Ethiopia noong Sabado kung saan nakapagtala ng dalawang nasawi at halos 200 sugatan.

Ayon sa DFA mahigpit ang ginagawang monitoring ng Philippine Embassy sa Cairo upang matiyak ang kaligtasan ng 800 miyembro ng Filipino Community.


Sinabi ni Ambassador to Cairo Leslie Baja, ang explosion noong Sabado ay dulot ng granada na inihagis sa mga supporters ni Ethiopian Prime Minister Abiy Ahmed na nagtitipon-tipon noon sa Meskel Square.

Ayon sa mga otoridad doon target ng suspek na nakasuot ng police uniform ang bagong talagang prime minister.

Kasunod nito pinapayuhan ng Philippine Embassy ang mga Pinoy na manatili muna sa kani-kanilang mga tahanan hangga’t hindi pa ligtas ang lumabas.

Facebook Comments