GRO, Bigong Mapatay Matapos Halayin ng Isang Manggagawa!

*Reina Mercedes, Isabela- *Tinutugis na ng mga alagad ng batas ang isang construction worker makaraang manggahasa at umano’y bigong mapatay ang isang bar entertainer partikular sa ilog Cagayan ng Brgy. Turod, Reina Mercedes, Isabela.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Mary Palma, 23 anyos, dalaga, isang entertainer sa nasabing barangay at tubong Quezon City, Metro Manila.

Batay sa inisyal na impormasyong nakuha ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), kinuha umano ng suspek na itinago sa pangalang Dino Pama, may asawa at residente ng nasabing bayan ang serbisyo ni Mary bilang entertainer sa isang bar at binayaran ang bar fine nito sa kanilang floor manager.


Dinala ni Dino si Mary sa ilog kung saan basta na lamang itong inilublob sa ilog, sinuntok, tinutukan ng patalim sa leeg at ginahasa ang biktima.

Matapos ang pang-aabuso ng suspek sa biktima ay agad itong umalis na ngayon ay pinaghahanap na ng mga alagad ng batas.

Sa pinakahuling panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Michael Esteban, hepe ng PNP Reina Mercedes, patuloy ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat sa nasabing pangyayari at inihahanda na ang kasong Panggagahasa na isasampa laban sa suspek habang pinag-aaralan pa ang kasong Frustrated Homicide na maaaring kaharapin pa ng suspek.

Facebook Comments