Ilagan City, Isabela- Pormal na isinagawa ang ground breaking ceremony ng ipinapatayong dalawang class room building sa Alibagu Elementary School bilang pagkilos sa inilunsad na balikatan exercise ng pinagsamang US at Philippine Military sa lungsod ng Ilagan kahapon, Abril disinuebe dosmil disi otso.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng kinatawan ng 5th Infantry Division na si Asst. Division Commander Brigadier General Alden Juan Masagca at ni US Military Representative Captain Gregory Mcmillan, Division Catholoc Chaplain Randolph Lanaja, Principal, Dinah Cabalonga, Schools Division Superintendent Cherry Ramos at iba pang mga opisyal mula sa lungsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan News Team kay, Captain Jefferson Somera ng Division of Public Affairs Office, kanyang sinabi na ang ipinapatayong bagong gusali ay pinondohan umano ng nasa 1.7 milyong piso.
Aniya, dalawang barangay sa Ilagan City ang napiling patatayuan ng bagong silid aralan at kabilang dito ay ang barangay San Antonio kung saan ay nasa mahigit tatlumpung miyembro ng US military ang gumagawa hanggang sa matapos ang mga gusali.
Dagdag pa ni Captain Somera, ang batayan umano sa pagpili ng mapapatayuan ng bagong gusaling aralan ay dumaan sa masusing pagsisiyasat at dapat wala itong bagong gusaling naipatayo.
Ngayong araw naman ay nakatakda muling magsagawa ng Ground Breaking Ceremony sa Barangay San Antonio City of Ilagan.