Nagkilos-protesta sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) ang grupo ng health workers mula sa iba’t ibang pampublikong ospital.
Ito’y upang ipanawagan na hindi sapat ang inisyung Executive Order No. 64 o umento sa sahod ng mga kawani ng gobyerno.
Ayon kay Robert Mendoza, National President ng Alliance of Health Workers, hindi sapat sa pang araw-araw na pamumuhay ang 24 pesos kada araw o P530 na naaprubahang umento sa sahod.
Dagdag ni Mendoza, bagama’t naglabas na ng P27 billion ang DBM para sa Health Emergency Allowance ng health workers, hindi pa rin nakatatanggap ang ilang manggagawa sa ilang Local Government Unit (LGU) at pribadong ospital.
Bukod sa P33,000.00 na entry salary, panawagan din ng health care workers ang performance-based bonus nila na dapat 2021 pa natanggap pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito inilalabas.