
Inanunsyo ng Malacañang na naglabas ng show cause order ang Department of Energy (DOE) laban sa 54 na gasolinahan na pinaghihinalaang nagtaas ng presyo ng gasolina nang hindi naaayon sa panawagan ng pamahalaan.
Sa ambush interview sa New York, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na iniimbestigahan ngayon kung lumabag ang mga gasolinahan sa direktiba ng gobyerno na iwasan ang hindi makatwirang pagtataas ng presyo ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ipinaliwanag ni Castro na kapag napatunayang may fraudulent acts o iligal na gawain ang mga gasolinahan, maaari silang makanselan ng permit para sa kanilang operasyon.
Samantala, kaugnay ng fuel subsidy para sa mga sektor na maaapektuhan ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis, magbibigay aniya ng hiwalay na detalye ang Department of Energy.
Nauna nang nagbabala ang Palasyo sa mga gasolinahan na huwag magtaas ng presyo nang walang sapat na batayan, lalo na habang nagkakaroon ng kaguluhan sa Middle East na maaaring makaapekto sa global oil prices.










