Grupo ng magsasaka, humirit ng ₱20/kilo na floor price kay PBBM

Humirit ng ₱20 per kilo na floor price sa bagong aning palay kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang grupong Nagkakaisang Magsasakang Novo Ecijano (NAMANE) kung saan umabot sa 15,000 magsasaka ang pumirma sa petisyong kinalap ng nasabing grupo.

Ayon sa tagapagsalita ng NAMANE na si Crisostomo Marzan, lugi sila sa presyong ₱10-₱12 kada kilo na kasalukuyang halaga ng palay mula sa aktwal na gastos nila na ₱14 kada kilo.

Dagdag pa niya, ang gastos sa binhi, pataba, pestisida at gasolina ang nagbabaon sa kanila sa pagkakautang.

Isa pa sa isiniwalat ng grupo ang walang kakayanan ng mga malilit na magsasaka na magpatuyo sa mga pasilidad at sa trak na magdadala sa tanggapan ng National Food Authority (NFA).

Ayon pa sa kanila, hindi na talaga nila kakayanin ang ganitong kalagayan at ang ₱20 na floor price ay katanggap-tanggap na presyo para mabuhay ang mga magsasaka.

Nagbabala naman ang grupo na kung magpapatuloy ang pagpapabaya sa mga magsasaka, ang agrikultura ng bansa ay tuluyang mawawasak.

Facebook Comments