Grupo ng maralitang tagalungsod siningil ang ₱203-B para sa pabahay ng mahirap

Photo Courtesy: Bahay na de gulong

Bukod sa kakulangan ng pondo, isinisi ng maralitang tagalungsod na pinamunuan ng Primo Isko, Barkadahan ng Marikina at Samahan ng mga Lehitimong Taga-Kalayaan (SALEKA) ang hindi pagbabayad ng tamang buwis upang magsagawa ng mga murang pabahay para sa mahihirap.

Sa isinagawang creative protest ng grupo na isinagawa sa harap ng tanggapan ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Quezon City kahapon ng umaga Abril 20, inihalintulad ng grupo ang mukha ng kahirapan ng pamilyang Pilipino na walang sariling bahay at lupa sa mga nagtitiis sa isang kariton o bahay na de gulong.

Dahill dito, nanawagan ang mga grupo na singilin ang mga mayayaman at iba pang may utang sa pamahalaan na dapat simulan sa pamilya ni Ferdinand Marcos Jr., na tumatakbong pagka-pangulo ng bansa.


 

 

Ayon sa grupo ang nasabing kabayaran ay maaaring mag pondo sa pagtatayo ng higit sa 400,000 na murang pabahay para sa maralita.

Batay sa isang pag-aaral ng policy research group na IBON Philippines, lumalabas na aabot sa 406,000 na bahay na nagkakahalagang ng ₱500,000 ang kayang itayo ng gobyerno gamit ang naturang pondo.

“Batay din sa datos ng DHSUD, mahigit sa 6.8 milyong housing units ang maituturing na housing backlog sa bansa.” ani ni Nato Agbayani, Chairman ng Primo Isko.

“Napakalaking pondo ang ₱203 bilyon at malaking kabawasan sana ang nasabing pondo sa housing backlog sa buong Pilipinas.” Dagdag pa niya.

Iginiit ng mga grupo na singilin si Ferdinand Marcos Jr., sa nasabing pagkakautang bilang administrador ng Marcos estate o kaya ay ilitin at isubasta ito para makalikom ng pondo na magagamit para sa iba’t ibang proyekto na makatutulong sa mahihirap.

Matatandaan na unang inungkat ni Aksyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor ang isyu ng hindi pagbabayad ng buwis ni Marcos.

Ang naturang halaga ayon sa alkalde ay magagamit para sa mga proyektong pang “buhay at kabuhayan” o kaya ay disenteng pabahay katulad ng ipinagmamalaking Tondominium at Binondominium ng lungsod ng Maynila.

Facebook Comments