Tutulong na rin ang Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) sa pag-iinspeksyon sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon noong Miyerkules, Hulyo 27.
Sa panayam ng RMN Manila kay PICE National President Engr. Ador Canlas, sinabi nito na nagsasagawa na ang kanilang disaster quick response team ng rapid assessment sa mga kabahayan at establisyimento na apektado ng lindol.
Aniya, kailangan ito upang masuri kung pwede nang balikan ang isang establisyimento o hindi pa.
Dagdag pa ni Canlas, na tutulong na rin ang iba pang chapters sa mga kalapit na probinsya at Metro Manila kung kinakakailangan.
Samantala, nagsagawa na rin ng agarang pagsusuri ang United Architects of the Philippines (UAP) sa mga heritage buildings pagkatapos ng pagtama ng lindol.
Sa panayam din ng RMN Manila, sinabi ni UAP National President Richard Garcia, na inikot ng kanilang damage assessment team para sa heritage conservation ang lugar upang masuri ang kasalukuyang estado ng mga heritage site at matukoy ang mga dapat gawin para maprotektahan ang mga ito.