Manila, Philippines – Tinawag na kaduwagan ng isang grupo ng mga contractual workers ang pahayag ng Malacañang na ang isyu ng pambansang minimum wage ay responsibilidad ng mga regional wage boards at hindi ng presidente.
Magugunita na noong April 26, nagharap ng petisyon ang Kilos Na Manggagawa kasama ang Metal Workers Alliance of the Philippines at ang BPO Industry Employees Network para sa dagdag na minimum wage mula P537 patungong P750 sa National Capital Region.
Nakabinbin naman sa Kongreso ang isang petisyon para ipasa ang isang National Minimum Wage Bill.
Layunin nito na tanggalin na ang magkakaibang regional wage rates sa halip ay magkaroon na lamang isang P750 na national minimum wage.
Ayon kay Jen Pajel, tagapagsalita ng Kilos Na Manggagawa, ikinagulat nila ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Aniya, isa itong paghuhugas kamay ng gobyerno.
Ngayong Labor Day, sumama ang grupo sa isang kilos protesta na ikinasa ng iba’t-ibang grupo upang igiit ang karapatan ng mga manggagawa sa disenteng pamumuhay.