Nagsumite ng kanilang position papers sa tanggapan ng Commission on Higher Education (CHED) ang grupo ng mga mag-aaral.
Ito’y para tutulan ang “tuition fees and other fees increase”.
Kasama sa umapela sa CHED ang mga grupo ng estudyante mula sa Ateneo de Manila University, University of the Philippines, De La Salle University, National University, Centro Escolar University, University of the East-Caloocan at University of the East-Manila.
Giit nila, sa kabila ng kanilang panawagan nitong mga nakalipas na buwan, tila hindi sila pinapansin ni CHED Chairperson Popoy de Vera.
Ayon sa grupo ng mga estudyante, inaalmahan nila ang dagdag na gastos sa matrikula kung saan 3% hanggang mahigit 9% ang itinaas.
Pinakamalaki sa itinaas ang tuition fee ang University of the East, na 9.5%.
Paliwanag nila, hindi makatwiran ang pagtataas ng matrikula lalo pa’t napakahirap ng buhay ngayon.
Sakaling hindi pakinggan ang panawagan, patuloy umano nilang yayanigin ang CHED at magkakasa ng mga pagkilos.
Sinabi naman ng grupo, na lalahok sila sa rally sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa July 24.