Hiniling ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte na iurong sa kalagitnaan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ang pagbubukas ng klase para sa susunod na school year 2022-2023.
Ayon kay TDC National Chairman Benjo Basas, ito ay upang bigyan ng sapat na pahinga ang mga guro na naaayon lamang sa mga umiiral na polisiya.
Aniya, entitled naman talaga ang mga guro sa dalawang buwang bakasyon dahil walang sick leave at vacation leave ang mga ito na gaya ng sa ibang mga empleyado.
Dagdag pa ni Basas na hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang mga gawain sa paaralan dahil mayroon pang mga graduation at completion ceremonies, reading of forms, at paghahanda ng mga dokumento para sa performance rating.
Kahit pa iurong aniya sa Setyembre ang klase ay malaking bahagi pa rin ng dapat sana’y bakasyon ang gugugulin ng mga guro sa iba’t ibang gawain dahil sa mga susunod na linggo hanggang Agosto ay sasabak naman sa iba pang trabaho ang mga guro tulad ng in-sevice trainings, brigada eskuwela, balik-eskwela at enrollment activities, at remedial at enrichment classes.
Matatandaang nauna nang sinabi ng Department of Education (DepEd) na magsisimula ang school year 2022-2023 sa Agosto 22.
Gayunpaman, wala pang inilabas na memorandum at school calendar ang DepEd para dito kaya inaasahang ito’y pagdedesisyunan na ng bagong kalihim.