Nagkasa ng kilos protesta ang grupo ng mga guro sa Mendiola, Maynila ngayong unang araw ng pasukan sa pampublikong paaralan.
Partikular na nagsagawa ng mabilisang kilos protesta ang mga guro na pawang miyembro ng Alliance of Concerned Teachers – National Capital Region o ACT-NCR.
Ayon kay ginang Ruby Bernardo, ang siyang secretary ng ACT-NCR, kanilang ipinanawagan ang ligtas na paaralan ngayong simula ng pasukan para sa mga katulad nilang guro.
Kabilang dito ang mga benepisyo at dagdag na proteksyon sa mga pampublikong guro sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Bukod dito, hinihiling nila ang karagdagang allowances tulad ng P1,500 internet allowance kada buwan, P3,000 inflation adjustment allowance, overtime pay, hazard pay at upgrade sa kanilang sahod.
Hiling rin nila na bigyan ng bawat laptop ang lahat ng pampublikong guro lalo na ngayong hirap ang ilan sa kanila dahil sa ipinapatupad na distance learning bunsod ng pandemya.
Saglit lamang nagkasa ng kilos protesta ang mga guro dahil sa wala silang hawak na permit kung saan magkakasa naman ng noise barrage, signature campaign at iba pang pagkilos-protesta ang ilan nilang mga miyembro kasama ang mga magulang sa ibang bahagi ng Metro Manila.