Nanawagan ang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) na palawigin ang work-from-home setup ng mga teachers.
Ito ay dahil sa pangambang ma-expose at mahawaan sila ng COVID-19 kung magre-report na sila nang pisikal sa mga paaralan simula bukas, June 22.
Para sa Teacher’s Dignity Coalition (TDC), “unnecessary” at “impractical” ang pag-obliga sa mga guro na pumasok sa eskwelahan dahil malalagay lang sila at ang ibang tao sa health hazard.
Nabatid na nagtapos na ngayong araw ang work-from-home arrangement para sa DepEd personnel kabilang ang mga public school teachers na nagsimula noong June 1.
Samantala, ang panawagan ng grupo ay kasunod ng ipinadalang sulat sa DepEd ng isang guro sa Valenzuela City na humihiling na i-extend ang work-from-home arrangement.
Ayon kay teacher Emmalyn Policarpio, siya at ang kanyang kapwa guro at inatasang pumasok na sa kanilang opisina sa Lunes sa kabila ng kawalan ng planong mabigyan sila ng transportasyon.