Grupo ng mga health worker, muling nagkasa ng protesta sa harap ng DOH

Muling nagkasa ng kilos-protesta ang grupo ng mga health worker sa tapat ng tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Sta. Cruz, Maynila.

Ito ay para ipanawagan sa mga nakaupong opisyal ng DOH ang mga natenggang benepisyo at kompensasyon na hindi pa rin naiibigay sa kanila sa gitna na rin ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Nagsagawa rin ng human chain at noise barrage ang mga miyembro ng Alliance of Health Workers sa tinatawag nilang National Day of Protest.


Giit ng grupo, tila nakalimutan na ng DOH ang mga ipinangakong benepisyo tulad ng Special Risk Allowance o SRA, One COVID-19 allowance o OCA at iba pa.

Maging ang hirit na dagdag sweldo at pagprayoridad sa kalusugan at kaligtasan ng mga health worker sa buong bansa ay kanila ring muling ipinanawagan.

Nabatid sa grupo na mahigit dalawang taon na ang pandemya at tuloy-tuloy ang trabaho ng health workers pero marami pa rin sa kanilang ang hindi nabibigyan ng benepisyo kung saan wala rin silang nakukuhang suporta sa DOH.

Facebook Comments