Grupo ng mga health workers, dismayado sa pagkakatalaga kay ex-PNP chief Cascolan bilang DOH Usec.

Dismayado ang grupo ng mga healthcare workers sa pagtatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kay dating PNP Chief Camilo Cascolan bilang Undersecretary ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Robert Mendoza, presidente ng Alliance of Health Workers (AHW), ipinagtataka nila ang pag-appoint kay Cascolan sa posisyon gayong wala naman itong background sa usaping pangkalusugan.

Sa halip, dapat na nagtalaga na lang aniya ang pangulo ng bagong kalihim ng DOH na tututok sa COVID-19 response.


“Maraming qualified na mga doctor, mga health expert na pwedeng ilagay d’yan, bakit siya pa ang itinalaga na in fact, alam naman natin na retire na rin siya, at wala siyang maitutulong sa Department of Health sa usapin ng kalusugan,” saad ni Mendoza sa interview ng RMN Manila.

“So, hindi tayo pumapayag na i-upo siya dyan dahil ano namang gagawin niya? Tatakutin niya yung mga tao sa loob ng Department of Health? Alam naman natin na isa siya sa namuno sa Oplan Tokhang, war on drugs, maraming pinatay na kababayan natin so sana, pag-isipan ni President Bongbong Marcos na… alam naman natin magulo ngayon ang kapulisan din, dun na lang siya ilagay,” giit pa niya.

Si Cascolan ay kababayan ni Pangulong Marcos at dati ring appointee ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinala naman ni Mendoza, itinalaga sa posisyon si Cascolan upang magkaroon ng representative ang ahensya na magsusulong ng mandatory na pagsasailalim sa mga doktor sa military training.

Health workers’ benefits

Hindi pa rin kumpletong natatanggap ng mga healthcare workers ang kanilang COVID-19 health benefits.

Ayon kay Mendoza, hindi pa rin naipalalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa kanilang benepisyo at allowances para sa mga buwan ng July hanggang December 2021 at July 2022 hanggang sa kasalukuyan.

Umaasa naman ang mga healthcare workers na matatanggap na nila ang kanilang mga benepisyo bago mag-Pasko.

“Ang panawagan namin kay President Bongbong Marcos, sana bago man lang mag-Pasko para matuwa yung ating mga health workers, at maano na yung kanilang demoralization e sana maibigay na po ito bago magkatapusan o ngayong Oktubre, dapat magkaroon ng full implementation ng health emergency allowance sa lahat ng mga health workers, mapa-region o LGU man,” dagdag ni Mendoza.

Facebook Comments