Grupo ng mga health workers, muling nagkasa ng protesta sa DOH

Muling nagkasa ng kilos protesta ang ilang grupo ng mga health workers sa tapat mismo ng Department of Health (DOH) sa Sta. Cruz, Maynila.

Ikinasa ng mga miyembro ng Alliance of Health Workers (AHW) mula sa pribado at pampublikong hospital ang protesta para ipanawagan ang hindi pa naibibigay na benepisyo tulad ng One COVID Allowance (OCA) at Health Emergency Allowance (HEA).

Kaugnay nito, kinalampag nila ang Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) dahil sa nagtuturuan sila kung sino ang dapat na manguna sa pagbibigay ng benepisyo at mangalaga sa kapakanan ng mga health workers.


Giit nila, buwan ng Setyembre pero ang pangakong OCA mula noong Enero hanggang Hunyo 2022 ay hindi pa lubos na naibibigay.

Partikular sa mga health workers mula Government-Owned and Controlled Corporations Hospital, Philippine General Hospital (PGH), Private at Local Government Units (LGUs).

Nabatid na sa ilalim ng One COVID Allowance at Health Emergency Allowance, tatanggap ng P3,000 kada buwan ang mga low risk health workers; P6,000 sa medium risk at P9,000 na nasa high risk exposure.

Panawagan pa ng grupo, dalawang taon ng humaharap ang mga health workers sa COVID-19 pandemic pero hanggang ngayon ay tila napapabayaan pa rin sila ng nararapat na tanggapan ng pamahalaan.

Facebook Comments