Umaapela ang hanay ng mga hog raisers kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na sana ang pinaiiral na price ceiling sa presyo ng karne ng baboy na 270 hanggang 300 pesos kada kilo.
Ito’y dahil na rin sa negatibong epekto ng price ceiling sa supply ng karne sa Metro Manila kung saan nahihirapan ang mga consumers, retailers at traders.
Ayon kay Nicanor Briones, presidente ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, sa halip na dumami ay nauubos na ang supply ng mga baboy sa mga palengke lalo na sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Briones na tumigil ang mga biyahero at mga tindera sa palengke dahil nakararanas sila nang matinding pagkalugi bunsod ng pagsunod sa price ceiling kung kaya’t nagdedeklara sila ng pork holiday sa lahat ng palengke.
Mungkahi nila kay Pangulong Duterte na gawin na lamang 330 hanggang 360 pesos ang presyo ng kada kilo ng baboy.
Dagdag pa ni Briones, hindi na raw dapat payagan na mag-import ng karne ng baboy at maiging proteksiyunan na lamang ang lokal na produksiyon.
Kailangan na rin na unahin ang pagtatay ng first border facility para nasasala ang pagpasok ng mga karne at maiwasan ang pagkalat ng ASF at Bird Flu.
Hinihiling din nila na tutukan ang technical smuggling sa ini-import na karneng baboy na umaabot sa anim na bilyong piso ang nawala sa kaban ng bayan noong 2020 lamang.