Grupo ng mga kabataan, humirit sa Korte Suprema na ideklarang iligal at unconstitutional ang proklamasyon ng COMELEC sa Duterte Youth Partylist sa Kongreso

Dumulog sa Korte Suprema ang grupo ng mga kabataan para ihirit na ideklarang unconstitutional ang proklamasyaon ng COMELEC sa kontrobersyal na Duterte Youth Partylist sa Kongreso.

Personal na nagtungo sa Supreme Court ang mga miyembro ng Youth Act Now Against Tyranny at naghain ng kanilang petition for certiorari na humihirit ng status quo ante order at preliminary injunction para ibasura ang COMELEC Resolution na nagproklama sa first nominee ng Duterte Youth na si Ducielle Cardema na asawa ng orihinal nitong nominee na si Ronald Cardema.

Ayon sa mga petitioner, hindi naman talaga rehistradong party-list organization ang Duterte Youth dahil hindi nito nakumpleto ang requirements para ito mairehistro.


Mali rin anila ang naging pagpayag ng COMELEC na palitan ng misis ni Ronald Cardema na si Ducielle ang nominee ng Duterte Youth tatlong buwan makalipas ang deadline para rito.

Ipinadedeklara rin ng petitioners sa Korte Suprema na iligal at unconstitutional ang Minute Resolutions Number 19-0850 at 19-0849 ng COMELEC na nagbasura sa petisyon na kumukuwestyon noon sa substitution ng mga nominado ng Duterte Youth.

Tumatayong petitioners sa kaso sina Aunell Ross Angcos, Raainah Punzalan, Reeya Magtalas, Raoul Manuel at Abigail Tan.

Ang nasabing mga petitioner ay siya ring nagpetisyon noon sa COMELEC laban sa Duterte Youth Partylist.

Tumatayong respondents sa kaso ang COMELEC at ang mag-asawang Ronald at Ducielle Cardema.

Facebook Comments