Walang nakikitang masama ang isang grupo ng mga magsasaka sa pag-aangkat ng produktong agrikultural tulad ng asukal.
Ayon kay Garry dela Paz, pinuno ng Bagong Maunlad na Pilipinas Agriculture Cooperative na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng importasyon lalo na sa panahong kakaunti ang supply ng isang partikular na produkto.
Pero dapat ay maging maingat pa rin sa proseso tulad ng kung gaano karami ang aangkatin gaya ng asukal.
Dapat na pag-aralan din ang timing sa pag-aangkat.
May pagkakataon kasi na sobra na ang supply pero may inaangkat pa rin na produkto kaya’t bumabagsak ang presyo ng mga inaani ng mga lokal na magsasaka.
Tulad ng kamatis at sibuyas na nababalitaang nabubulok na lang dahil sa hindi na maibenta sa dami ng supply.
Umapela rin na gawing prayoridad ang produkto ng lokal na magsasaka bago umangkat sa ibang bansa.