Grupo ng mga manggagawa, umapelang isama sa listahan ng mga mabibigyan ng booster shots

Umapela ang grupo ng mga manggagawa sa pamahalaan para makasama sa listahan ng mga mabibigyan ng booster shots.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Department of Health (DOH) sa pagbibigay ng booster shots o ikatlong dose sa mga health worker, senior citizens at immunocompromised.

Ayon kay Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, partikular na dapat isama sa listahan ang mga economic frontliners o yung mga nakakasalamuha ng customer araw-araw.


Ito ay ang mga nagtatrabaho sa bangko, hotel, restaurants industries, public transport workers at maging ang mga nasa land at air transport industry.

Sumang-ayon naman sa hirit na booster shots ang mga negosyante pero hindi pa dapat ngayon.

Paliwanag kasi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, pwedeng gawing booster shots ang darating na 3 million doses ng AstraZeneca sa February 2022.

Pero kung si DOH Health Usec. Myrna Cabotaje ang tatanungin ay uunahin muna sa booster shots ang mga health workers at matatanda bago ang iba pang mga manggagawa.

Sa ngayon, batay sa tala ng DOH ay Metro Manila pa rin ang may pinakamataas na vaccination rate at BARMM ang may pinakamababang bilang ng nabakunahan.

Facebook Comments