GRUPO NG MGA NAGBIGAY NG TULONG SA BANAUE, IFUGAO, NAAKSIDENTE SA ISABELA; ISA PATAY

Cauayan City, Isabela- Isa ang patay habang tatlo (3) ang sugatan sa nangyaring salpukan ng pick-up at 10-wheeler truck pasado alas 3:00 ng hapon ng Sabado, July 9, 2022 sa kahabaan ng pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.

Kinilala ang nasawi na drayber ng pick-up na may plakang DAL 2004 na si Loid Andrew Erfe, isang architect, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela habang ang iba pang mga sakay na biktima ay sina Rocky Batongbakal ng Jones, Isabela; Christopher Cristobal ng Reina Mercedes, Isabela at Brenzon Jann Salvador Perocho ng Jones, Isabela.

Habang ang drayber ng truck na may plakang CAE 7977 ay nakilalang si Daniel Serrano, 59 taong gulang, may-asawa at residente ng Bulihan, Rosario, Batangas.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa imbestigador ng Cordon Police Station, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na mabilis ang patakbo ng pick-up batay na rin sa pahayag ng mga nakatira sa gilid ng kalsada kung saan nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ang pick-up ay sumalpok ito sa kasalubong na truck.

Ayon sa imbestigador, posibleng nakaidlip at hindi nakontrol ng drayber ng pick-up ang manibela kaya bumangga ito sa truck.

Parehong wasak ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan kung saan agad na isinugod sa Santiago Medical Center ang tatlong pasahero ng pick-up habang naipit naman ang drayber nito.

Nagtulong-tulong ang mga kasapi ng Diadi Police Station, Diadi Fire Station, Cordon at Diadi Rescue sa pagkuha sa naipit na driver ng pick-up kung saan hindi na ito umabot ng buhay nang siya’y dalhin sa ospital.

Napag-alaman na naghatid ng relief assistance sa mga naapektuhan ng flashflood at landslide sa Banaue, Ifugao ang mga biktima at pauwi na ang mga ito nang mangyari ang trahedya.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang drayber ng ten-wheeler truck at nakatakda ngayong araw ang pag-uusap ng pamilya ng namatay at ng suspek.

Samantala, inihahanda pa rin ng PNP Cordon ang kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide, Multiple Physical Injuries at Damage to property sakaling magsasampa ng kaso ang pamilya ni Erfe at ng iba pang mga biktima sa suspek.

Facebook Comments