Hinimok ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) ang susunod na administrasyon na ayusin ang reimbursement system ng state insurer na Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay PHAPi President Dr. Jose Rene de Grano, maraming private hospitals ang dumedepende sa reimbursement mechanism ng PhilHealth kaya malaking dagok sa kanila ang pagka-aberya sa pagkuha ng hospital claims.
Naniniwala si De Grano na ikakaganda ng healthcare system ng bansa sakaling maisaayos ang naturang sistema.
Mababatid na noong Disyembre ng nakaraang taon ay nagbanta ang ilang ospital na puputulin ang kanilang ugnayan sa naturang state insurer kung saan aabot na sa milyon ang utang nito sa nakalipas na taon.
Sinabi naman ni PhilHealth CEO at President Dante Gierran na aabot sa mahigit 25 bilyong piso ang utang ng state insurance at layong bayaran ito pagsapit ng Hunyo.
As of January 7, sinabi ni Gierran na nasa 12.05 billion pesos na ang nailabas ng PhilHealth sa 444 hospitals sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method.