Grupo ng mga provincial bus operator, muling kinalampag ang gobyerno na payagan na silang makapasok sa NCR

Umaasa ang mga provincial bus operator na pagbibigyan na ng gobyerno ang apela nilang makapasok sa kanilang mga terminal sa Metro Manila.

Sa harap na rin ito ng kakulangan ng masasakyang bus ng mga pasaherong umuuwi sa probinsya ngayong Pasko.

Ayon kay Alex Yague, Presidente ng Provincial Bus Operator Associations of the Philippines (PBOAP), pumayag na ang mga lokal na pamahalaan na makapasok sa probinsya ang mga bus na manggagaling sa National Capital Region (NCR).


Desisyon na lamang aniya ng gobyerno ang kanilang hinihintay.

“Kasi napaka-importante no’n e, yung pagpayag ng mga Local Government Units na magsimula nang bumiyahe yung mga provincial buses sa kanilang lugar,” ani Yague sa interview ng RMN Manila.

“Sa palagay ko ay napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan… kung hindi, ang option lang nila ay gumamit ng mga colorum van kasi yung colorum van, dire-diretso ang biyahe, walang minimum health protocol na sinusunod at ang ating mga kababayan dito ay nagbabayad ng napakamahal na pamasahe para lang makarating sa kanilang mga probinsya,” dagdag niya.

Nabatid na noong December 7, umapela ang grupo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan silang makapasok sa NCR lalo’t magpa-Pasko.

Sa ngayon kasi, wala pang 10% ng mga provincal bus ang nakakabiyahe mula nang magkaroon ng pandemya.

Facebook Comments