Grupo ng provincial buses, umapela sa gobyerno na payagan na silang makapasok sa NCR

Nanawagan ang grupo ng mga provincial bus sa pamahalaan na payagan na silang makapasok sa Metro Manila lalo’t papalapit na ang Pasko kung saan inaasahang marami ang uuwi sa mga probinsya.

Partikular dito ang mga biyahe ng bus mula sa Northern Luzon kung saan pinapayagan na lamang silang mag-terminal hanggang sa Bocaue, Bulacan.

Ayon kay Alex Yague, presidente ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), nahihirapan din kasi ang mga pasahero dahil sa putol-putol na biyahe ng mga bus kaya mas pinipili nilang sumakay sa mga colorum na van.


Bukod dito, mababa na rin naman aniya ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Dagdag pa ni Yague, handa rin naman silang sumunod sa mga health protocol na itinatakda ng Department of Health.

Bukod dito, bakunado na rin ang lahat ng kanilang mga driver at konduktor.

Samantala, sa ngayon ay nasa 50% lamang ang passenger capacity ng mga bus na galing sa malalayong probinsya.

Habang 70% naman kung manggagaling sa mga karatig-probinsya ng NCR.

Facebook Comments