Kumpiyansa pa rin ang National Commission of Senior Citizens sa COVID-19 vaccinazation program ng pamahalaan.
Ito ay kahit na pansamantalang sinuspinde ng Department of Health (DOH) ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine na gawa ng kompanyang AstraZeneca sa mga indibidwal na may edad 60-anyos pababa.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan-diin ni Atty. Franklin Quijano, chairman ng National Commission of Senior Citizens na sa tulad nilang may edad na, ang bakuna pa rin ang pinakamabisang paraan upang malabanan ang virus.
Ayon kay Quijano, maaari pa rin naman ibakuna sa mga senior citizen ang Sinovac.
Dumarami ang panawagan sa pagsuspinde sa paggamit ng AstraZeneca vaccine kasunod ng mga report sa ibang bansa na nakaranas ng blood clotting o pamumuo ng dugo, at pagbaba ng platelet count ang ilang katao matapos mabakunahan.
Sa ngayon ay wala pang naitatala na katulad na insidente ang National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) pero gayunpaman ay patuloy ang kanilang monitoring sa mga nabakunahan ng AstraZeneca.