Hihirit na rin ang grupo ng mga truckers ng mas mataas na singil sa bawat pagbiyahe nila dahil sa walang tigil na oil price increase.
Sabi ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP), maaaring tumigil sa operasyon ang kanilang mga miyembro kapag hindi ito naaprubahan sa loob ng 15 araw.
Paliwanag ni CTAP President Maria Zapata, hindi na nakakasabay ang kanilang mga kinikita sa gastos sa operasyon kagaya ng pagpapasweldo, toll fee at ang presyo ng krudo.
Inihalimbawa ni Zapata na nagkakahalaga ng P18,000 hanggang P20,000 ang freight fees mula sa Port Area sa Maynila hanggang sa Cabuyao, Laguna pero nasa P17,000 naman ang kanilang nagiging gastos.
Sakali naman aniyang hindi pumayag ang gobyerno ay humihiling na lamang sila ng fuel subsidy.
Babala pa ni Zapata, sakaling mauwi sa suspensiyon ng operasyon ay magdudulot ito ng kakulangan sa supply ng mga produkto kabilang ang mga pagkain.
Nasa mahigit 300,000 ang kabuuang delivery trucks sa bansa kung saan 70 porsyento nito ang miyembro ng CTAP.